TATLONG ISLANG BARANGAY NG TAYTAY, MALAPIT NANG MAPAILAWAN
Tatlong (3) islang barangay ng Taytay, Palawan ang nadagdag sa benepisyaryo ng Village Electrification Project ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at National Power Corporation sa pakikipagtulungan ng Palawan Electric Cooperative. Ito ay ang mga islang barangay ng Casian, Beton at Paly.

Isang grupo ng mga inhinyero at kawani ng Paleco ang nagsagawa ng Basic Electrician Training Course at ng Pre-Membership Education Seminar. Hinati sa tatlo (3) ang grupo para sabayang makapagsagawa ng Basic Electrician Training Course kaakibat ang Pre-Membership Education Seminar bilang tugon sa resolusyon na isinulong ni Direktor Julieta C. Magbanua. Sa resolusyon, ang Paleco ay nagpautang ng mga materyales pangkuryente na nagkakahalagang P2,500.00 kasama ang instalasyon sa bahay ng mapipiling mahirap na residente ng tatlong (3) barangay. Babayaran ng benepisyaryo sa Paleco ang nabanggit na halaga sa loob ng limang buwan.

Limampung (50) benepisyaryo sa bawat barangay o isang daan at limampu (150) sa kabuuan ang nakinabang sa proyektong pagpapailaw na pautang na walang interes.

Pinondohan ng pamahalaang panlalawiganan ang linya ng tatlong (3) barangay na umabot sa halos tiglimang kilometro kada lugar samantalang ang diyenerator ay ininstila na ng National Power Corporation sa planta ng kuryente.

Dahil dito, nagpasalamat si Mayor Romy L. Salvame ng Taytay sa Pamahalaang Panlalawigan. Paborable sa mga taga-isla na magkaroon ng ilaw sa kanilang lugar sa loob ng walong (8) oras.

Ayon naman kay Punong Barangay Norbert Lim ng Casian, Taytay, Palawan, malaking tulong para sa pagsulong ng kabuhayan sa kanilang barangay ang naturang proyektong pailaw. Ninanais ni Punong Barangay Lim na madagdagan ang walong oras ng operasyon at maging sampung oras. Panukala niyang magkaroon ng operasyon ng kuryente mula ala-una ng hapon hanggang alas onse ng gabi. Sa ganitong paraan, lubos na mapapakinabangan ng mga estudyante sa Barangay Casian ang biyaya ng kuryente. Malaking konsumo rin ng enerhiya ang kakailanganin sa iba pang aktibidad ng residente ng barangay. Nanawagan rin siya sa Pamahalaang Panlalawigan na kung maaari ay i-waive na ang ilang rekisito sa pagpapakabit ng kuryente katulad ng fire permit at electrical permit na hindi naman gasinong akma sa isla.

Inaasahan ni Engr. Larry Sabellina, Napocor Palawan Manager, magkakakuryente na ang Barangay Beton at Casian bago matapos ang Setyembre ngayong taon samantalang sa Oktubre naman maisakatuparan ang proyektong pagpapailaw sa Barangay Paly.


Posted: September 07, 2018
A member-customer-owner focused electric cooperative providing efficient, quality and reliable service consistent with mandated standards.
An internationally-certified electric cooperative admired for its exemplary performance, modern technology and poverty alleviating social programs by 2024.
Telephone No. : 433-2001
Globe Mobile No. : 09175532836
Smart Mobile No. : 09989937849
Palawan Electric Cooperative | North National Highway, Bgy Tiniguiban, Puerto Princesa City | Copyright©2018