BLACK FRIDAY PROTEST, ISINASAGAWA NG MGA ELECTRIC COOPERATIVE SA BANSA
Patuloy ang pagsusuot ng itim ng mga kawani ng iba’t-ibang kooperatibang pang-enerhiya sa bansa tuwing Biyernes matapos magsagawa ng Black Valentine Protest noong Pebrero 14.

Ito ay bilang patuloy na protesta at pagluluksa sa mga mapaminsalang hakbang ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso G. Cusi laban sa mga electric cooperative. Isa rito ang rekomendasyon niyang ipakansela ang prangkisa ng 17 kooperatibang pang-enerhiya kahit hindi dumaan sa tamang proseso ng pagtatasa. Binawi man kalaunan, nagdulot ito ng negatibong epekto sa imahe ng mga electric cooperative.

Bukod dito, inendorso rin ni DOE Secretary Cusi ang pag-aproba sa House Bill 8179 –isang panukalang batas na nagbibigay ng 25 taong prangkisa sa Solar Para sa Bayan (SPSB) Corporation na pag-aari ni Leandro Leviste, anak ni Senator Loren Legarda. Mariing kinukuwestiyon ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) ang motibo sa likod ng House Bill 8179 dahil binibigyan nito ng kapangyarihan ang nabanggit na korporasyon na magkaroon ng monopolyo sa pagpapailaw sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas. Nilalabag din nito ang franchise area ng mga electric cooperative at ang ilang probisyon ng Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Sa panig ng Palawan Electric Cooperative, ang kontrobersyal na House Bill 8829 ang siyang pangunahing pokus ng Black Friday Protest. Nakasaad sa naturang panukalang batas ang pagbibigay sa MORE Reedbank Corporation ng prangkisa sa pamamahagi ng kuryente kasama na ang negosyong pagpapatayo, pagpapatakbo, at pagmamantini ng distribution system sa Palawan. Ang ganitong kaganapan ay nangyari rin sa marami pang electric cooperatives na kung saan mismong ang kanilang mga kongresista ang nagpasa ng resolusyon sa komite ng prangkisa para bigyang daan ang ilang pribadong mamumuhunan na ariin ang prangkisa ng kooperatibang pang-enerhiya sa lugar.

Ipagpapatuloy ang Black Friday Protest hanggang sa matigil ang mga hindi makatarungang hakbang laban sa mga electric cooperative na siyang katuwang ng pamahalaan sa pagpapailaw sa mga liblib na lugar. Sa pagsisikap ng mga electric cooperative at pakikipagtulungan nito sa National Electrification Administration napailawan na ang 78 probinsya sa bansa, 1,475 lungsod at munisipyo, 36,057 barangay, 123,198 sitio, at 12.71 milyong kabahayan.
Posted: February 22, 2019
A member-customer-owner focused electric cooperative providing efficient, quality and reliable service consistent with mandated standards.
An internationally-certified electric cooperative admired for its exemplary performance, modern technology and poverty alleviating social programs by 2024.
Telephone No. : 433-2001
Globe Mobile No. : 09175532836
Smart Mobile No. : 09989937849
Palawan Electric Cooperative | North National Highway, Bgy Tiniguiban, Puerto Princesa City | Copyright©2019